Sunday, November 1, 2009

Noynoy for President?

Nakakalungkot isipin na nabubulag ang ilang mamamayan sa katingkaran ng kalokohan sa pagtakbo ni Noynoy bilang pangulo ng Pilipinas. Nang dahil sa pagpanaw ng dating pangulong Cory Aquino, nagkaroon ng ideya ang mga mapansamantalang politiko at negosyante na patakbuhin si Noynoy sa darating na eleksyon. Mga pansariling interes ang nangibabaw sa pag-udyok kay Noynoy na tumakbo at hindi ang kapakanan ng mamamayang Pilipino.

Unang-una, ano ba ang kapasidad ni Noynoy na patakbuhin ang bansa? Kung hindi nga niya maayos ang gulo sa Hacienda Luicita na kanilang pagmamay-ari, sa paanong paraan pa niya maayos ang mga problema ng bansa? Paano mo pagkakatiwalaan ang isang taong ni sariling problema hindi maayos?

Pangalawa, sapat bang tangkilikin siya sa kadahilanang anak siya ng yumaong Ninoy at Cory Aquino? Kung ganito rin lang naman ang dahilan, bakit hindi na lang si Kris ang pinatakbo, 'di hamak na mas matalino kay Noynoy?

Pangatlo, ano na ba ang nagawa ni Noynoy para sa bansa? Marahil nakita natin siyang binabatikos ang katiwaliian ng administrasyon, subalit kung siya na ang pangulo, puro pambabatikos at reklamo pa rin ba ang gagawin niya? Hindi ba magandang basihan sa pagpili ng pangulo ang kanyang mga nagawa para sa bayan?

Pang-apat, bakit parang santo kung ipakilala si Noynoy bilang kandidato sa pagkapangulo? Nakasisigurado ba kayong wala siyang itinatagong baho (na kabaliktaran sa pahayag ng mga magsasaka sa Luisita)? At kung sakaling tunay na mabuting tao si Noynoy, sapat na ba itong basihan para pamunuan ang bansa? Siya lang ba ang mabuting taong tumatakbo? Hindi ba mas maigi ang isang taong mabuti na, may karanasan pa?

Panglima, ano ba ang plano ni Noynoy para sa Pilipinas? Tanggalin ang korupsyon... tapos? Sigurado ba siyang magagawa niya iyon? Hindi ba't mga politiko't negosyante ang nasa likod ng pagtakbo niya? Wala bang hihingin kapalit ang mga iyon? Meron na ba siyang nasabaing malinaw na plano para sa Pilipinas na kayang maisagawa at hindi pawang pangarap lamang?

Ilan lamang ito sa mga tanong na kaakibat sa pagtakbo ni Noynoy bilang pangulo ng Pilipinas. Hindi sana ginamit ang nag-uumapaw na damdamin ng mga Pilipino sa pagpanaw ni Pangulong Aquino para sa isang pampolitokong interes. Nawa'y maliwanagang muli ang ilan na nabubulag sa dilaw na kalokohan.

1 comment:

  1. Ilan lamang ito sa mga tanong na kaakibat sa pagtakbo ni Noynoy bilang pangulo ng Pilipinas. Hindi sana ginamit ang nag-uumapaw na damdamin ng mga Pilipino sa pagpanaw ni Pangulong Aquino para sa isang pampolitokong interes.

    - gaya ng paggamit ni cory sa pagkamatay ni ninoy? loan modification ca

    ReplyDelete